Sa isang iglap, nagbabadyang magwakas ang isang samahang akala ko e magiging panghabambuhay na. Kung pwede ko lang ibalik ang nakaraan…
***
Hindi ko inakalang magiging ganito ka-easy ang college life. Sabi ng mga kaibigan ko noon na nasa kolehiyo e mahirap daw ang buhay ng kolehiyala kasi wala kang masyadong magiging kaibigan, na solo flight ka sa buhay estudyante mo. Pero hindi naman pala gano’n katotoo ‘yon, sa katunayan nga, naka-survive ako sa unang taon ko sa BulSU nang walang masyadong aberya, plus, may mga bago rin akong mga kaibigan na alam kong maaasahan ko’t mapagkakatiwalaan, kahit isang taon pa lang kaming magkakasama.
Siya nga pala, how rude of me na hindi magpakilala. Ako nga pala si Alexis, second year college taking up Mass Communication sa Bulacan State University. Madali mo lang akong makikilala kapag nagkita tayo, simpleng babae lang ako, hindi ako pala make-up tulad ng iniisip ng karamihan sa mga MassCom students, hindi naman kasi lahat ng babae sa kurso namin e maarte sa katawan, ibahin mo ako. Though may kaingayan, masayahin kasi akong tao, at obvious naman ‘yon dahil sabi nga ng mga kaibigan ko, smiling face ako kahit na tambak ng problema sa buhay.
At dahil first day of class ngayong araw, excited akong pumasok after two months ng pagtengga sa bahay… Well, sa totoo lang, sa sobrang excitement ko e hindi ako nakatulog ng maayos kagabi, so I ended waking up late. Kaya nagmamadali akong bumangon at nag-ayos ng sarili, 30 minutes late na kasi ako sa first subject ko.
After fixing myself, I mean bonggang ‘fixing’ dahil gusto kong magpa-impress kahit papa’no sa first day, e nakasakay na ako ng dyip ng matiwasay. Hindi ko maiwasang mag-isip kung anong posibleng mangyari ngayong araw, one hour ang byahe ko, at kung anu-anong naiisip ko, hanggang sa resbakan ako ng antok na hindi dumalaw sa’kin kagabi. Dyahe, wa-poise ‘pag nakatulog ako dito… At ayan nga, nakatulog nga ako. Patay.
Mahimbing na sana ang tulog ko nang biglang parang may matigas na bagay na tumama sa mukha ko.
“ARAY!”
Pagdilat ko, nakita ko ang salarin. Isang long haired na mukhang emo slash rakistang engineering student… Engineering nga siguro kasi may dalang T-square, na humampas sa mukha ko… Ang weird niya, kasi nakatingin lang siya sa’kin, tapos sabay talikod at baba ng dyip. Aba! Hindi man lang nag-sorry. Nakakasira ng umaga!
Pero salamat na rin sa paghampas ng T-square niya sa mukha ko at nagising ako. Nasa BulSU na pala, muntik pa akong lumagpas.
***
Habang naglalakad ako sa Heroes Park, iniisip ko kung papasok pa ako sa first subject ko. Major ko pa naman ‘yun, e nag-text pa si Abbey na mukha raw terror ‘yung prof, matandang dalaga kasi. Total isa’t kalahating oras na akong late, at 30 minutes na lang ang klase, e hindi na ako papasok. Sa susunod na subject na lang.
Napagdesisyunan kong pumunta na sa room para sa susunod na klase. Minor namin, NSTP. Sabi kasi ni Faye, kaibigan ko na kapwa ko late, e doon na lang kami magkita. Naikwento ko na nga rin pala habang magka-text kami ‘yung sumira ng araw ko. Hanggang ngayon tuloy, bad mood pa rin ako dahil sa kanya. May mga gano’ng klase pala talaga, ‘yung hindi man lang marunong mag-sorry. Naku, ‘pag nakita ko ulit siya, ewan ko na lang.
Nauna ako kay Faye sa room. Papasok na sana ako sa loob, akala ko kasi walang tao, tsinek ko pa nga ‘yung COR ko, tama naman ‘yung room: FH111. Pero may nakita kasi akong lalaki na nakadukdok sa arm chair, na may katabing isa pang lalaki… Teka, parang… parang… ang gwapo niya. Oo nga, ang gwapo niya talaga.
Para siyang isang model: ang puti-puti niya, tapos singkit ang mata at ang tangos ng ilong. Mukha rin siyang matangkad dahil by the looks of it, mahaba ‘yung legs niya. Ano kayang height niya?
Mga ilang segundo pa ang nagdaan, nakasilip pa rin ako sa nakaawang na pinto, pinagmamasdan si kuyang artistahin, hanggang sa may sumigaw. “Ale-x-i-sssssssssssssss!”
Sa pagkagulat ko, nabuksan ko ang pinto at na-realize ko na lamang na nasa sahig na ako ng kwarto. Sa isip-isip ko: “Patay, nakakahiya ‘to.” Nagmadali akong tumayo hanggang sa napansin ko, diretso ang tingin ni kuyang gwapo sa lugar na kinatatayuan ko. Bakas ang alala sa mukha niya, sabay sabing “Okay ka lang ba?” Halos matunaw ako sa kahihiyan, kulang na lang e lumubog ako sa kintatayuan ko.
“A-A-Ayos lang ako,” sagot ko.
“Ano ba kasing ginagawa mo diyan sa pinto?” tanong ni kuyang gwapo.
“Ah e…“
Hindi ko alam ang gagawin ko. Mukhang napansin niya na kanina pa ako nakasilip sa pinto. At panigurado, alam din niyang nakatitig ako sa kanya. Nakakahiya na talaga ‘to.
Mga ilang segundo pa…
“Alexis, ayos ka lang?!? Nasaktan ka ba?” tanong ni Faye na humahangos sa pagpasok sa kwarto.
Hindi ako sumagot, hanggang mapansin ni Faye ‘yung dalawang lalaki sa bandang likuran.
“Ay, h-h-hello po.”
“Hi,” sagot ni kuyang gwapo sabay kalabit sa lalaking nakadukdok. “Dude,may tao na.”
Nagulat ako sa nakita ko. Isang pamilyar na mukha ang bumungad sa akin sa pagbangon ng lalaking nakadukdok sa arm chair.
“I-Ikaw?!?”